Paggalingan na lang: Labanan ng top-notch lawyers para sa 'Eat Bulaga'

Kung dati mga netizen lang ang nagbabardagulan sa social media, ngayon ay humantong na sa korte ang tumitinding bangayan sa kung sino nga ba ang may karapatan sa pangalang "Eat Bulaga."

At pagdating sa aspetong legal, tiniyak ng bawat kampo na makuha nila ang pinakamagagaling na abogado para manalo.

Dalawa ang nag-aagawan sa titulo ng show.

Ang una ay ang Television and Production Exponents Inc. (TAPE) na nagpoprodyus ng Eat Bulaga sa GMA, at ang mga beteranong host na sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, na nag-resign sa TAPE pero iginigiit na may karapatan daw silang tangayin ang pangalan ng show dahil sila umano ang lumikha ng title at intellectual property daw nila ito.

Ang labanan ay tumuntong na sa Marikina regional trial court (RTC) kung saan nag-file ng copyright infringement at unfair competition ang mga host laban sa TAPE at GMA Network.

Maliban sa Marikina RTC, may giyera din sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) para naman sa trademark ng "Eat Bulaga."

Abogado ng TVJ

Ang pinili ng mga beteranong host, kilala bilang TVJ, ay ang beteranong abogado na si Nilo Divina at ang kaniyang law firm na DivinaLaw upang kumatawan sa kanila at protektahan ang kanilang karapatan.

Si Atty. Divina ay isang batikang corporate at banking lawyer na Dean din ng University of Santo Tomas Faculty of Civil Law.

Bigatin ang mga naging kliyente ni Divina na prominenteng finance and business personalities.

Kabilang sa mga kliyente at naging kliyente ng DivinaLaw ang BDO at si Queen of All Media Kris Aquino.

Abogada ng TAPE

Kinuha ng TAPE ang serbisyo ng isang abogadang bihasa sa mundo ng entertainment industry.

Ang kumpanya ay kinakatawan ni Atty. Marie Glen "Maggie" Abraham-Garduque, managing partner sa Abraham Pimentel & Acuna Law Office at kilala bilang isang celebrity lawyer.

Hindi naman dapat maliitin ang pagiging celebrity lawyer dahil marami na syang naipanalong kaso.

Kabilang na dito ang kaso ng TV host na si Vhong Navarro, na kamakailan lang ay nanalo sa inihaing rape and acts of lasciviousness charges laban sa kaniya.

Dahil din sa tulong ng abogada, nakapagpiyansa ang TV host mula sa Taguig regional trial court.

Nahawakan din ni Atty. Maggie ang mga kaso nina Annabelle Rama, Richard Gutierrez, Sarah Lahbati, Nadia Montenegro, at Migo Adecer.

Maging si Asia's Multimedia Star Alden Richards ay isa rin sa kaniyang mga kliyente.

See Related News Here:

Comments