Ito ang ikatlong araw ng paghaharap ng kampo nina Tito, Vic Sotto, Joey de Leon, at Jeny Ferre laban sa kampo ng GMA Network at Television and Production Exponents Inc. (TAPE).
Matatandaang hindi natuloy ang pagdinig sa application for the issuance of writ of injunction noong July 31 dahil walang "judicial affidavit" si Tito.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig na naganap sa Marikina Regional Trial Court (RTC), masaya umano si Tito sa naging outcome ng kaniyang presentation.
"I think everything went well," pambungad na pahayag ni Tito sa media.
Pero biglang binanatan ng dating senador ang GMA Network na isa sa mga defendants.
"Ayaw ng GMA na nagpapa-interview kami. Umaangal!," hirit ni Sotto na sinabayan naman ng pagtawa ng mga kasama niyang abogado. "'Wag daw kaming nagpapa-interview."
Hindi binanggit ni Sotto sa media na may sub judice rule na umiiral kaya hindi maaari ang paglalabas ng mga komento at testamento sa publiko.
Ang Sub Judice ay isang Latin term na tumutukoy sa mga usapin sa ilalim o sa harap ng isang hukom o hukuman; o mga bagay na nasa ilalim ng judicial consideration.
Nililimitahan ng sub judice rule ang paglalabas ng mga komento at pagsisiwalat na may kinalaman sa mga nakabinbing judicial proceedings.
Ayon kay Sotto, naging maayos namang nairaos ang kaniyang pagbibigay ng testamento.
"Nakapag-testify na ako. Tingin ko nasabi ko yung mga dapat kong sabihin, bagamat merong mga hindi nakumpleto, pero okay naman."
Bigla namang sumingit ang abogado ni Sotto na si Atty. Enrique "Buko" dela Cruz. Aniya, "Best witness ever!"
Samantala, hindi naman nagbigay ng detalye tungkol sa kaso ang abogado ng TAPE Inc. na si Atty. Maggie Abraham-Garduque.
"Of course, we cannot answer questions with regard to the merits of the case," sagot ni Atty. Maggie sa nagtanong sa kaniya tungkol sa naganap na "cross-examination."
Dagdag pa ng abogado ng TAPE, "Pero what we can mention is that, Tito Sotto was presented today as the second witness for the plaintiff's, TVJ and Jeny Ferre for their injunction application."
Panig pa rin ng mga nagsasakdal (plaintiff) ang magpe-present ng witness hanggang sa susunod na pagdinig sa August 25.
Comments
Post a Comment