Nagsimula na kahapon, July 27, ang hearing ng copyright infringement case na isinampa nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at Jeny Ferre laban sa dati nitong employer na Television and Production Exponents (TAPE) Incorporated.
Kasama rin sa kinasuhan ng TVJ ang GMA Network, na blocktime partner ng TAPE Incorporated.
Unang dininig ang application for the issuance of writ injunction, kung saan pinapatigil umano ng kampo ng TVJ at ni Ferre ang pagpapalabas ng mga lumang "Eat Bulaga" episodes.
Matapos ang hearing ay agad nagpaunlak ng panayam sa media sina Tito Sotto at Joey de Leon.
Salaysay ni Sotto, "Sa dinami-dami ng mga salita, alam mo naman ang legal terms. Ang bottomline ng pinag-uusapan namin at ang sinasabi namin dito ay copyright, sino may-ari ng copyright, ‘yung gumawa. Trademark? Meron pang cancellation, eh. Merong tinatawag na after 10 years nawawala."
Ayon naman sa hiwalay na panayam sa abogado ng TAPE Inc. na si Atty. Marie Glen Abraham-Garduque, "This case is not covered by copyright infringement because the logo and the name "Eat Bulaga" is under trademark registration. It's not copyright registration."
Dagdag pa ni Atty. Abraham-Garduque, inamin ng unang witness sa side ng plaintiff na si Joey de Leon na hindi naka-rehistro ang pangalang "Eat Bulaga" sa kanya sa Bureau of Trademark o Bureau of Copyright sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
Isa pang mali sa mga inulat sa mainstream media ay ang hindi pagdalo ng mga executives ng TAPE Inc. at GMA Network. Nilinaw ng abogado ng TAPE na dahil ang kampo ng TVJ at ni Ferre ang naghain ng reklamong copyright infringement, sila dapat ang maunang maglabas ng mga testigo.
Samantala, idinetalye naman ni Sotto na ang kasong copyright infringement at unfair competition na inihain nila.
"Wala silang paalam sa amin katulad ng ginawa nila noong (May) 31 hanggang June 3, nagreplay sila nang nag-replay at isa iyon sa ika nga'y binabaril namin dito sa kaso na 'to," ani Sotto.
Pagdidiin pa ni Sotto, "Again let’s go back to deception pinipilit n’yo sa tao o sa publiko na kayo ang Eat Bulaga, e, hindi naman kayo."
Iginiit naman ni Sotto na "copyright" daw ang kanilang inilalaban at hindi trademark.
"Sinasabi ng mga abogado nila trademark, trademark. Iba ‘yung trademark sa copyright. Para ka namang hindi nakakaintindi ng legalities," nangingiting sabi ng dating senador.
Tungkol naman sa sinabi ni Sotto na pag-replay ng mga lumang episodes, sagot naman ng abogado ng TAPE, "Gusto rin nilang ipatigil ang pagpapalabas ng mga episodes ng "Eat Bulaga" prior to May 31, 2023.
"But it is our allegation that they cannot do that because it is TAPE who spent for all the productions to be able to have that audio-visual recordings of the episodes priort to May 31, 2023.
"So, pag-aari ito ng TAPE Inc., even the copyright."
Samantala, kahit bigong makapagpakita ng dokumento si De Leon, kumpiyansado raw silang maipapanalo nila ang kaso.
"Very confident in God’s help, I’m sure the truth will come out.
"Alam ng Panginoong Diyos, alam ng taumbayan, alam ng publiko kung sino ang nag-imbento ng Eat Bulaga, pangalang Eat Bulaga.
"Kung iyon ang programa nila bahala sila sa programa nila, palitan nila ang title nila," sabi ni Sotto.
Sabi naman ni De Leon, "Basta kami, nagsasabi lang ng totoo. 'Yun lang! Nagsabi lang kami ng totoo! Nagsabi lang kami ng totoo, bahala na kayo."
Ayon sa abogado ng TVJ at ni Ferre, si De Leon at Ferre lamang ang naka-schedule na magiging witness sa plaintiff side.
Samantala, ayon naman sa abogado ng TAPE, uupong witness ang dating SVP at COO ng TAPE na si Malou Choa-Fagar na dating naging boss ni Ferre.
Isa pang nakakaintrigang witness ay si Vincent Dy Buncio, dating creatives' head ng TAPE Inc from 1979 to 1989.
Maliban sa s'ya ang lumikha ng "Mr. Macho" na unang hit segment ng "Eat Bulaga!," siya rin ang sumulat ng lyrics ng Eat Bulaga theme song.
Kung masisilip ito sa korte at maghabol din si Buncio ng copyright, may posibilidad na ipagbawal ng korte sa "E.A.T." ang paggamit ng original lyrics ng Eat Bulaga theme song.
Comments
Post a Comment