Makahulugan ang sinabi kahapon ni Paolo Contis sa pagtatapos ng Eat Bulaga kahapon, December 7.
Sa loob ng anim na buwan nila bilang mga bagong host ng naturang palabas, napatunayan nilang kaya nila itong dalhin at tangkilikin pa rin ng mga tao.
Minahal ng mga manonood ang mga bago nitong segment tulad ng "Ikaw ang Pinaka," "Quick Respond, Quick Reward," "Dancing Duo Double Double," "Hey Mr. Rider," "EB Happy," "Word of the Rings," at ang "G sa Gedli."
Saan mang barangay magpunta sina Yorme at Prinsipe Sedi (Buboy Villar) ay "Mao nani" at "Butangi" ang isinisigaw ng mga tao. Ito ang catch phrases na pinasikat ni Yorme sa show.
Nagbalikan na rin ang mga dating sponsor at advertiser na dating nawala sa kasagsagan ng pag-alis ng mga dating host.
"For the past months, napakita ng TAPE sa sponsors that they can successfully produce a show na bago kahit walang TVJ," kuwento sa amin ng aming source.
"Nakakabilib din naman kasi ang TAPE. Wala pang isang taon, naibangon n'ya ang Eat Bulaga," dagdag pa niya.
Samantala, tila may kinalaman ang sinabi ni Paolo tungkol sa isang malaking pagbabago sa kanilang noontime show.
"Ayan po mga Kapuso, panibagong araw na sama-sama pa rin tayo. At ang masasabi lang po namin ay maraming maraming maraming salamat po sa inyo," panimula ni Paolo sa kaniyang closing remark kahapon.
"Sinamahan n'yo po kami mula umpisa kaya sama-sama po tayo anuman ang mangyari, anuman ang magbago, at anuman ang dumating na pagbabago, andito lang po kami para sa inyo."
Tinanong din namin ang aming source kung ano ang "dadating" na pagbabago. May kinalaman ba ito sa titulo ng palabas?
"Hindi naman.
"Kaya lang, syempre, nagche-check din si TAPE if worse comes to worst, anong title ang acceptable sa mga tao?
"Kasi sa advertisers, ok na sila. Wala naman na sila pakialam kung ano daw title ng show. Ang sure, happy sila sa show."
Kitang-kita naman na masaya ang mga advertiser dahil noong Sabado nga lang ay mahigit 49 minutes ang running time ng commercials.
Ilang beses na ring naungusan ng Eat Bulaga sa ratings ang palabas ng TVJ sa TV5.
"Parang sila kasi ginagamit na lang ang title para maging relevant ang show nila," kuwento ng aming source.
"They just want drama. As usual. And nakikita namin na dun na lang nabubuhay si E.A.T. ng TVJ."
"Pag wala silang issue na related sa Eat Bulaga, nawawalan sila ng relevance at bumabagsak show nila."
Sa katunayan, sobrang dikit ng laban sa ratings noong Martes, December 5.
Ayon sa Nationwide Urban Television Audience Measurement (NUTAM) ng Nielsen Philippines, nakapagtala ang E.A.T. ng 3.7%, samantalang naka-3.5% naman ang Eat Bulaga.
Mahigit doble ang ibinagsak sa ratings ng E.A.T. mula sa pilot episode nito noong Hulyo.
Kung matuloy nga ang pagpapalit ng titulo ng palabas, panibagong yugto na naman ito para sa TAPE.
Tatangkilikin pa rin kaya ang show nila ng mga manonood kahit iba na ang pamagat ng show?
Comments
Post a Comment