Kakatapos ko lang din i-marathon ang South Korean mystery drama series na "Lies Hidden in My Garden" starring Kim Tae-Hee ("Yong-Pal," "Love Story in Harvard") at Lim Ji-Yeon ("The Glory," "Money Heist: Korea").
Naka-line up ko nang panoorin ngayong darating na weekend ang "A Time Called You" sa Netflix.
Pero naintriga ako dito sa bagong "special limited series" ng GMA na "Maging Sino Ka Man" dahil napanood ko ang trailer at mukha naman siyang maganda.
TV adaptation ito ng pelikulang pinagbidahan nina Sharon Cuneta at Robin Padilla noong 1991 na pinrodyus ng VIVA Films.
Si Barbie Forteza ang gumaganap ngayon bilang Monique na unang ginampanan ni Sharon sa pelikula.
Si David Licauco naman ang gumaganap ngayon sa papel na Carding na unang ginampanan ni Robin.
Siksik sa aksyon ang unang episode ng "Maging Sino Ka Man" nitong Lunes, September 11, na nagsimula sa isang matindi-tinding habulan.
Sa pagtakas ni Carding mula sa mga armadong lalaki, nakasalubong niya si Monique sa daanan. Ito ang kanilang unang pagtatagpo.
Dahil desperadong makatakas, sumakay si Carding sa motorsiklo ni Monique at siya na ang nagmaneho.
Patuloy na hinabol ng mga armadong lalaki si Carding hanggang sa marating nila ang isang tulay sa ibabaw ng Pasig river.
Para tuluyang makalayo sa mga humahabol, nagdesisyon si Carding na padiretsuhin ang motorsiklo sa plank ng isang truck patungo sa isang naglalayag na lantsa de deskarga.
Nalaman din natin sa episode na isa palang artist si Monique, na pinipirmahan ang kaniyang mga artwork bilang "Dino" upang itago ang kaniyang tunay na pagkatao.
Highlight din sa episode kagabi ang confrontation scene ni Barbie at Jean Garcia na gumanap na nanay niya sa serye.
Ang TV adaptation na ito ay sa ilalim ng mahusay na panulat ni Mark Duane Angos ("Imortal," "Make It With You").
Si RJ Nuevas at Aloy Adlawan naman ang nagsilbing creative consultant at creative director, respectively, ng palabas, at si Enzo Williams ("FPJ's Ang Probinsyano," "Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis") naman ang director.
Kasama sa cast ng "Maging Sino Ka Man" sina Juancho TriviƱo, Tonton Gutierrez, Mikoy Morales, Rain Matienzo, Faith da Silva, E.R. Ejercito, Jeric Raval, at marami pang iba.
"Special" ang series dahil sa pambihirang pagkakataon ay magkakatulong sa pagbuo ng teleserye ang mga magagaling na production crew at staff mula sa ABS-CBN at GMA.
"Limited" ang series dahil ilan lang ang mga episode nito dahil marami na ang naka-line up sa first slot sa primetime ng GMA-7.
Sa unang slot din mapapanood soon ang "Black Rider" na pagbibidahan ni Ruru Madrid, "Against All Odds" ni Marian Rivera, "Pulang Araw" na muling pagtatambalan nina Barbie at David, at "Sang'gre" na continuation ng "Encantadia."
Basically, hindi kakayanin ng primetime slot ng GMA na mag-wantusawa episodes dahil mawawalan naman ng chance ang iba pang artista ng network na mag-shine.
Nag-alot pa sila ng isang slot para naman sa collaboration nila with ABS-CBN and other production companies, kaya sana ay hindi na ginagawan pa ng isyu ang pagiging "limited series" nito.
Napapanood ang "Maging Sino Ka Man" gabi-gabi sa GMA Telebabad, 8 p.m. pagkatapos ng "24 Oras."
Comments
Post a Comment