"Ibahin ang title," "Magpalit na lang kayo ng title," "Hindi inyo 'yan," "Respeto sa TVJ," "Ibalik n'yo ang ninakaw n'yo."
'Yan ang ilan sa matagal na sinisigaw ng mga pro-TVJ sa social media.
Parang napakasimple nga naman ng solusyon para matapos na ang kaguluhan na ito, pero bakit nga ba ipinaglalaban ng TAPE ang karapatan nito sa title?
Ganoon nga ba kadali ang magpalit ng pamagat ng show? May mga nag-suggest pa nga ng title.
Kontrata
Hindi madali ang pagpapalit ng title para sa TAPE dahil may pinirmahan itong kontrata sa mga sponsor at advertisers.
Isang malaking breach of contract at maaaring mabangkarote ang TAPE sakaling malabag nito ang kasunduang pinirmahan nito.
Noong nakaraang taon lang pumirma ng kontrata ang TAPE sa GMA Network at hanggang katapusan pa ng 2024 ang bisa nito.
Kaya naman, maaaring hanggang 2024 din ang mga kontratang pinirmahan ng TAPE sa mga sponsor at mga kumpanyang bumili ng advertisement slot sa kanila.
Walang kaso sa GMA ang pagpapalit ng title, dahil airtime lang naman ang kasunduan nila. Pwedeng magpalabas ang TAPE ng kahit ano sa inupahan nilang airtime.
Pero may pananagutan ang TAPE sa kanilang mga kliyente.
Hindi madaling pakawalan ang 44 years na pag-aari
Ang isang programa na umabot ng 44 years ay maihahalintulad sa isang lupa, ipaglalaban mo dahil pinaghirapan at ginastusan mo.
Nangarap ka, pinag-ipunan mo.
Kumuha ka ng engineer, architect, at mga contractor. Binayaran mo sila sa serbisyo nila.
Kapag may sira sa bahay mo, pinapaayos mo.
Isang araw ay naisipan mong ipabago ang pintura ng bahay mo. Ayaw ng arkitekto mo kasi nga daw, "If ain't broke, don't fix."
Mas magaling pa sa'yo ang arkitekto mo kahit bahay mo iyon. Bakit ba? Disenyo daw n'ya 'yan.
Ngayon, handa ka bang bitawan ang bahay na pinaglaanan ng lahat ng inipon mo sa buhay?
Magugulo ang Television and Movie Industry
Sakaling magwagi ang TVJ sa pagkuha ng titulong Eat Bulaga, magkakaroon ng kaguluhan sa industriya.
Lahat ng creatives, screenwriter, segment producers, at iba pa ay pipila sa Intellectual Property Office para mag-claim ng kanilang trademark at copyright.
Mawawalan ng pag-aari ang Regal Entertainment, ABS-CBN Entertainment, GMA Network, VIVA Films, at lahat ng television and movie production companies.
Mawawalan ng proteksyon ang mga pelikula at teleseryeng naka-upload sa mga streaming site.
Dahil dito, lalaganap ang online piracy.
Mga Empleyado
Sinimulan ni Romy Jalosjos ang Production Specialists Inc. noong 1978 katuwang ang sportscaster na si Dick Ildefonso.
Bumibili sila ng airtime sa RPN-9 noon para ipalabas ang PBA, pero seasonal lang ito at hindi regular.
Para magtagal ang negosyo, kailangan n'ya ng mas stable na pagkakakitaan.
Napag-isipan n'yang gumawa ng isang noontime show na noon ay wala pang pangalan. Kinuha n'ya si Tony Tuviera.
Ipinasok naman ni Tony sina Chiqui Hollmann, Richie D' Horsie, at ang "Iskul Bukol" trio na TVJ.
Dahil client-facing si Romy, si Tony naman ang bahala sa production.
Iilan pa lang sila noon sa kumpanya at sila-sila pa lang ang nagbe-brainstorm ng mga segment ng show.
Nag-utos si Romy sa production na mag-isip ng pamagat ng kanilang programa at sa dami ng mga pinagpilian, ang napili n'ya ay "Eat Bulaga."
Nagsimulang umere ang Eat Bulaga sa RPN noong July 29, 1979, pero mega flop ito laban sa katapat nito sa GMA-7 na "Student Canteen."
Nabaon sa utang ang Production Specialists. Iginapang ni Romy ang pagpapasahod sa mga empleyado. Hindi nabayaran ang TVJ ng halos isang taon.
Okay lang naman daw sa kanila noon na hindi mabayaran dahil may iba naman silang show. Hindi na rin naman sila makakabalik noon sa Student Canteen kaya nanatili sila sa Eat Bulaga.
Tuluyang nabangkarote ang Production Specialists around 1980 at muling nagtayo ng bagong kumpanya si Romy, ang Television and Production Exponents Incorporated o TAPE Inc.
Mula sa isang maliit na kumpanya, unti-unting nadagdagan ang mga empleyado ng TAPE.
Sa kasalukuyan, halos 300 empleyado ang umaasa ngayon sa kumpanya.
Conclusion
Mukhang simple, pero napaka-komplikado ng sitwasyon ngayon ng TAPE.
Mayaman na ang mga Jalosjos, mayaman na ang TVJ.
Hindi sila ang naagrabyado at kawawa rito, kundi ang mga empleyadong naiipit sa away ng dalawang kampo.
Nakakalungkot lang at nakakadismaya ang nangyayari ngayon, magpapasko pa naman pero baka iniisip ng mga empleyado ngayon na anytime ay baka mawalan sila ng trabaho kapag mawala sa TAPE ang titulong Eat Bulaga.
Bilang isang netizen, lawakan pa sana natin ang isipan natin bago tayo magbitaw ng mga komento sa social media.
Comments
Post a Comment