Pumirma ng exclusive contract ang dating Kapamilya talent na si Jona sa Viva Artists Agency (VAA), ang talent management arm ng Viva Entertainment, noong Nobyembre 28, 2023.
Tiniyak naman ng singer na maayos umano siyang nagpaalam sa mga executive ng ABS-CBN at Star Music bago siya lumipat sa bagong hahawak ng kaniyang showbiz career.
Present sa contract signing sina VAA Head Veronique del Rosario-Corpus at Viva Entertainment CEO and President Boss Vic del Rosario.
Tila na-miss ni Jona ang pag-arte dahil sariwa pa sa kaniya ang mga unang acting stint niya sa GMA Network noong nanalo siya sa Pinoy Pop Superstar noong 2005.
"Kapapanalo ko pa lang noon sa Pinoy Pop Superstar. And then, pinasabak po nila ako na umakting kasama po si Nadine Samonte. Ang title ng program was My Guardian Abby [2005].
"Hanggang mag-partner kami ni Gerald Santos sa I Love New York [2006] nina Ate Jolens [Jolina Magdangal] and Kuya Marvin [Agustin].
"It was really a good experience. May mga clip na itina-tag sa akin ng fans ni Gerald sa social media tapos kapag napapanood ko, parang ang cute.
"Ang saya ng feeling na balikan yung ganoong memories. Parang gusto ko po uli na ma-explore yon."
Ikinuwento rin ni Jona na una siyang nakatanggap ng tawag mula sa VAA ay noong 2015 pa, pero hindi natuloy ang paglipat niya dahil napunta na siya sa pangangalaga ng ABS-CBN.
"Naging maganda naman po yung naging posisyon ko doon [sa ABS-CBN].
"Tumawag po uli sila [VAA] bandang 2020. Kaya lang at the time, may ongoing project din kami na gagawin ng Star Music, so parang hindi pa time.
"Tapos ngayong 2023, tumawag na naman sila. And sabi nila, ‘Tingnan ninyo lang. Pakinggan ninyo kung ano yung mga puwedeng i-offer.
"So, we're here," kuwento ni Jona.
Kahit exclusive contract star na siya ng VAA, patuloy pa rin daw na mapapanood si Jona sa ASAP Natin 'To, ang Sunday noontime musical program ng Kapamilya Channel.
Samantala, malaki naman ang chance na matupad ang wish ni Jona na bumalik sa acting dahil nagsalita si Boss Vic na bibigyan siya ng mga movie project.
Comments
Post a Comment