Sinabi ng legal counsel at spokesperson ng Television and Production Exponents Inc. (TAPE), producer ng noontime show na “Eat Bulaga,” na dapat din daw respetuhin nina Tito at Vic Sotto, at Joey de Leon, kilala bilang TVJ, ang karapatan ng kumpanya na i-apela ang desisyon ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
Sa isang desisyon noong Dec. 4, pinagbigyan ng Bureau of Legal Affairs (BLA) ng IPOPHL ang petisyon ng TVJ na kanselahin ang registration ng TAPE para sa trademark na “Eat Bulaga” at “EB”.
Sa programang TeleTabloid ng Abante, sinabi ng abogado ng TVJ na si Atty. Enrique “Buko” dela Cruz na sa ilalim ng mga tuntunin ay maaari pang i-apela ng TAPE ang desisyon.
“Sa ilalim kasi ng rules natin, pwede pa silang umakyat hanggang sa Court of Appeals, hanggang sa Supreme Court,” ani Dela Cruz.
Bilang tugon, sinabi ng legal counsel ng TAPE na si Atty. Maggie Abraham-Garduque ang karapatan ng TAPE na i-apela ang desisyon ng BLA adjudication officer.
“Yes I watched that interview of Atty. Buko kay Mr. Fu.
“I’m glad that he understands that the case is not yet final with IPO and TAPE, Inc. has the right to appeal the decision of the adjudication officer of BLA [Bureau of Legal Affairs] to cancel their trademark.
“If we are talking of respect, I hope TVJ will also respect this right of TAPE, Inc to appeal and thereby not use ‘Eat Bulaga’ while the case is on appeal,” ani Atty. Maggie.
Sinabi ni Atty. Buko na naghain sila ng injunction sa Marikina Regional Trial Court Branch 273 para pigilan ang TAPE sa paggamit ng “Eat Bulaga” trademark.
Noong Hunyo, naghain ng kaso ang TVJ at si Jeny Ferre laban sa TAPE at sa GMA Network, kung saan umeere ang programang “Eat Bulaga.”
Ang kasong isinampa ng TVJ at ni Ferre ay “Copyright Infringement and Unfair Competition under R.A. No. 8293, otherwise known as the Intellectual Property Code of the Philippines, with Application for Issuance of a Writ of Preliminary Injunction.”
Nagwakas ang mga pagdinig noong October 23.
Hinihiling nila sa Marikina court na maglabas ng injunction para pigilan ang TAPE sa pagpapalabas ng mga lumang episode ng “Eat Bulaga,” mga segment, at mga audio-visual recording na nalikha bago ang May 31 nitong taon at sa paggamit ng pamagat na “Eat Bulaga.”
Sinabi ni Dela Cruz na maaaring lumabas ang desisyon ng korte sa injunction ngayong darating na Enero.
“Yes hinihintay namin na lumabas iyon. Most likely baka mga January,” sabi niya.
Kapag naglabas ng injunction ang korte, gagamitin na raw ng TVJ ang “Eat Bulaga” sa kanilang palabas.
Sinabi naman ni Atty. Maggie na bothered siya sa komento ni Atty. Buko.
“Pero mas concerned or should I say bothered ako sa last statement nya na alam nya na January magrerelease ng decision ang RTC Marikina sa copyright case at maglalabas din daw ito ng injunction laban sa TAPE Inc.
“Sinabi nya na ito ang hinihintay nya para magamit na nila ang ‘Eat Bulaga’ sa January.
“He is putting RTC Marikina in a compromising situation na parang alam na nya ang decision ng court,” aniya.
Comments
Post a Comment