TAPE, tagilid nga ba sa 'Eat Bulaga' trademark?

Lumabas sa pahayagang Abante noong October 3 na naghabol umano ang kampo ng Television and Production Exponents Inc. (TAPE) sa pagpa-file ng opposition laban sa 'Eat Bulaga' trademark application ni Joey de Leon.

Nakasaad sa article ng naturang pahayagan na posible umanong mabasura ang opposition dahil tapos na raw ang paghahain ng opposition.

Samantala, kinumpirma naman ng legal counsel ng TAPE na si Atty. Maggie Abraham-Garduque na October 2, 2023 nga naipasa ng TAPE ang kanilang opposition sa trademark application ni De Leon.

Nilinaw ng abogada na October 1 ang huling araw para sa paghahain ng opposition, pero dahil pumatak sa araw ng Linggo ang due date, ang due date ay October 2, 2023.

"This is the publication date [of Joey de Leon's trademark application of 'Eat Bulaga'] as per the IPO website and official gazette, Sep 1.

"So due date for the filing is Oct 1. Since Oct 1 falls on a Sunday then the due date is on Oct 2, 2023.

"Thus, TAPE filed the opposition on Joey's application on time," pahayag ni Atty. Abraham-Garduque.

Hiniling naman ng kampo ni De Leon sa IPO na ibasura ang isinampang opposition ng TAPE dahil tapos na raw ang palugit sa paghahain ng opposition.

Magkagayunman, nauna nang ipinahayag ng director ng Bureau of Trademarks ng IPO na si Director Jesus Antonio Ros na kinikilala ng kanilang tanggapan na ang TAPE ang prior registrant ng "Eat Bulaga" trademark.

"We understand that the company Television and Production Exponents Inc. is the prior registrant of the mark bearing Registration No. 4-2011-005951," ani Ros.

Ayon naman sa naunang pahayag ni Atty. Abraham-Garduque, "TAPE promptly asserts its prior ownership thereof being the prior registrant thereof."

Nagtagumpay ang TAPE na ma-renew ang trademark registration ng pangalang "Eat Bulaga" ng another 10 years sa gitna ng ongoing legal dispute with Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at Jeny Ferre.

Comments