Inalmahan ni Vincent Dy Buncio ang balitang inamin daw niya na si Vic Sotto ang nag-compose ng theme song ng "Eat Bulaga."
Si Vincent ang ikatlong witness na iniharap ng TAPE Inc. noong Huwebes, September 21, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng application for the issuance of writ injunction na inihain ng TVJ productions laban sa Television and Production Exponents Inc. (TAPE) at GMA Network sa Marikina Regional Trial Court.
Humarap siya bilang witness upang patunayan na siya ay empleyado ng Production Specialists Inc. (PSI) at kalaunan ng TAPE Inc. mula 1979 hanggang 1989.
Nagsimula siya bilang contributing writer hanggang sa maging head writer, associate producer, AVP for production, at iba pang special projects ng TAPE Inc. para sa "Eat Bulaga."
Iniharap din siya para patunayang hindi sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, kilala rin bilang TVJ, ang nag-conceptualize ng "Eat Bulaga," dahil ang palabas ay nilikha mismo ni Romeo Jalosjos at ang mga segment ay binuo ng production team na kinuha ng PSI at kalaunan ay ng TAPE Inc.
Si Vincent rin ang nagpatunay na hosts lamang ng "Eat Bulaga" ang TVJ at sila lamang ang nagsagawa ng mga segment na binuo ng production team na kinuha ng PSI at kalaunan ay ng TAPE Inc.
Pinatunayan rin ni Vincent na siya ang nag-compose ng lyrics ng theme song ng "Eat Bulaga" noong 1982 nang ginamit ito para sa paglulunsad ng nationwide airing ng "Eat Bulaga" via domestic satellite ng RPN-9 at sa pagpapakilala kay Coney Reyes bilang isa sa mga bagong host ng show.
Photo Credit: Video 48
Gayunpaman, sa inilathalang article ng Malaya News Online noong Biyernes (September 22), nakasaad dito na inamin umano ni Vincent na si Vic Sotto daw ang nag-compose ng "Eat Bulaga" theme song nang sumalang siya sa interogasyon ni Atty. Enrique “Buko” dela Cruz.
Screenshot of the article published by Malaya News Online
Pero paglilinaw ni Vincent, “In the first place, Atty. Buko was not in said hearing.
“Secondly, I said that I composed the lyrics of the song of Eat Bulaga and E.A.T. is using it without my consent.”
“This is false news," pagdidiin ng dating creative head ng TAPE Inc.
Sinabi ni Vincent na nagde-demand siya ng erratum mula sa publikasyon. Kung hindi ay magsasampa siya ng libel complaint laban sa author at sa publication.
Sa Lunes, September 25, naktakda ang susunod na pagdinig para iharap ang huling dalawang testigo na kukumpleto sa 5 witnesses ng TAPE Inc.

Comments
Post a Comment