Online Tulong at Saya: TAPE, inaanyayahang mag-subscribe ang netizens sa "Eat Bulaga" YouTube channel

Nabawi na ng Television and Production Exponents Inc. (TAPE) ang kontrol sa channel ng "Eat Bulaga" sa YouTube makalipas ang tatlong buwan.

Ang "Eat Bulaga" YouTube channel, na pagmamay-ari ng TAPE, ay inirehistro gamit ang email account ng isang empleyado ng TAPE na umalis na sa kumpanya.

Makikita sa channel na ang huling video na na-upload ay noon pang June 2 tungkol sa Hongkong Disneyland experience ni "Little Miss Diva" grand winner Althea Rueda.

Kinumpirma naman ng abogado ng TAPE na si Atty. Maggie Abraham-Garduque na nasa kontrol na ng TAPE ang "Eat Bulaga" YouTube account.

"Yes I confirm that TAPE, Inc. regained access to its YouTube account.

"You can now enjoy watching Eat Bulaga again via YouTube. This is very important to us dahil gusto rin namin makaabot ang "tulong at saya" even to our online viewers.

"So sa ating mga Kapuso, please don't forget to like and subscribe!" sabi ni Atty. Maggie.

Sa kasalukuyan, mayroong 5.31 million subscribers at mahigit 21,000 videos with 1.5 billion in total views ang channel ng "Eat Bulaga" sa YouTube.

Kamakailan lang ay na-renew na ng TAPE ang "Eat Bulaga" at "EB" trademarks sa Intellectual Property Office of the Philippines.

Comments