Kasabay ng guesting ng international K-Pop boyband na TAN sa "Eat Bulaga" kahapon, September 5, bumulaga sa YouTube ang bagong channel photo at banner ng official YouTube channel ng "Eat Bulaga!"
Mababasa kasi sa bagong banner ng channel ang "TELEVISION AND PRODUCTION EXPONENTS INC.," bagong logo ng "Eat Bulaga!," at "Tahanang Pinakamasaya," hudyat na nabawi na nga ng TAPE Inc. ang dati nitong YouTube channel.
Matatandaan na mula noong May 31 ay hindi na nagamit ng TAPE Inc. ang Facebook page at YouTube channel ng "Eat Bulaga!" dahil maging iyon ay tinangay ng grupo nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at Jeny Ferre sa kanilang pagkalas sa TAPE Inc.
Sa isang panayam kay Tito Sotto, sinabi niyang hindi umano maaaring kunin ng TAPE Inc. ang social media accounts ng "Eat Bulaga!" dahil pagmamay-ari umano nila iyon at ng mga empleyado.
"At yung alam mo, tsaka yung Facebook Live ng Eat Bulaga, hindi nila pag-aari 'yun. Pag-aari 'yun ng production namin ng mga empleyado," pahayag ni Sotto.
Hindi ko rin maintindihan kung ano ang pinagbabasehan ni Tito sa pag-angkin nila sa mga social media account ng "Eat Bulaga!"
Ang content ng mga social media account ay intellectual property ng TAPE dahil sila naman ang gumagastos para sa show. Binayaran din ang mga social media manager para gawin ang trabaho nila.
Marami namang mga lumabas na mga haka-haka kung paano nabawi ng TAPE ang YouTube channel ng "Eat Bulaga!," kaya minabuti ko nang magtanung-tanong.
"TAPE was able to recover their channel sa YouTube kasi sila ang nakapangalan na owner ng account sa YouTube.
"Even bank accounts linked to the account, sa TAPE yun kaya naverify ng YouTube," paliwanag ng aking source.
Kaya malinaw na kaya nabawi ng TAPE ang YouTube channel ng "Eat Bulaga!" ay dahil sila naman talaga ang nagmamay-ari nito.
Comments
Post a Comment