Walang katotohanan na kaya magkakaroon ng balasahan ng mga host sa longest running noontime show na "Eat Bulaga" ay dahil nalulugi raw ito.
Wala raw matatanggal na hosts pero magkakaroon ng pagbabago sa mga schedule ng mga host nito.
Nakatakda na kasing sumalang sa taping ang ilan sa cast members ng "Eat Bulaga" na puro Sparkle GMA Artist Center talents kaya hindi muna sila makikita sa show.
Napapabalitang magkakaroon ng bagong season ang "Running Man Philippines" kaya kailangang mamili nina Buboy Villar, Kokoy de Santos, at Glaiza de Castro kung anong proyekto ang pipiliin nila.
Mas hectic naman ang schedule ni Glaiza dahil malapit na ring magsimula ang taping ng sequel ng "Encantadia" 2016 series na "Sang'gre."
Ang isa pa sa frontrunner ng noontime show na si Isko Moreno ay nagsimula nang mag-taping para sa "Black Rider" ng GMA Public Affairs.
Dahil nga sa nakaambang pagbabago sa schedule ng mga host, may kumalat na namang tsismis na nalulugi raw ang "Eat Bulaga" ng TAPE Inc kaya kailangang magbawas ng host.
Mariin naman itong itinanggi ng aming napagtanungan.
"Hindi Totoo yan. Hindi nalulugi ang TAPE. In fact, if you will watch the show, everyday padami ng padami ang sponsors ng EB.
"Last Saturday lang 30 mins and 45 secs ang commercials," sagot sa amin ng taga-TAPE.
Sa kada-15 segundo ng TV ads, kumikita ang TAPE ng daan-daang libong piso kaya hindi totoo na nalulugi ang TAPE kaya pansamantalang hindi mapapanood ang ibang hosts.
Comments
Post a Comment