Willie Revillame, hindi na makakabalik sa GMA?

Tatlong noontime shows ang magkakatapat sa iba't ibang istasyon. "Eat Bulaga!" sa GMA-7, "It's Showtime" sa GTV, at "E.A.T." sa TV5.

Napakaraming kaganapan ngayon sa showbiz matapos mag-resign sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon sa "Eat Bulaga!" na ilang dekada nilang naging tahanan.

Samantala, isang noontime show pa ang nagbabadya na magbalik-telebisyon anytime soon.

Inaasahang babalik na sa ere ang "Wowowin" ng batikang TV host na si Willie Revillame. Malakas ang tsansang mapapanood ito sa PTV-4 at IBC-13.

Masaya naman si GMA Network Senior Vice President and GMA Films President and CEO Annette Gozon-Valdes sa itinatakbo ng programang "Eat Bulaga!" sa GMA-7.

At muling sinabi ng Kapuso executive na wala talagang kinalaman ang GMA sa production ng noontime show.

"Okay naman 'yung performance nila, lumalaban naman. Masaya naman 'yung show," pahayag ni Gozon-Valdes.

Dagdag ng isa sa mga judge ng "Battle of the Judges," "So 'yun nga, sinasabi ko, wala naman kaming kinalaman talaga sa production, pero syempre masaya kami 'pag nagre-rate sila."

Sa December 2024 pa ang expiration ng kontrata ng TAPE Inc., producer ng "Eat Bulaga!," sa GMA-7 pero ngayon pa lang ay may mga intriga nang hindi na raw umano ire-renew ang show at magpo-produce na lang ng sariling noontime show ang GMA.

Sabi naman ng GMA boss, "Parang ang layo pa mag-e-end. 'Yung current contract nila is ending end of next year pa. Ang tagal pa ng panahon na 'yon. Ang dami pang pwedeng mangyari."

Samantala, sinagot din ni Ms. Annette ang tungkol sa sinasabi ng iba na may chance daw si Willie na makabalik ng GMA-7.

"Kasi as of now, wala kaing available timeslot talaga. Kasi 'di ba dati nandun siya sa slot before 24 Oras, magbabalik na 'yung Family Feud. Binili na namin kasi ulit 'yung franchise. As of now, wala talaga kaming available timeslot," malinaw na paliwanag ng Kapuso executive.

So, may chance pa rin in the future na makabalik si Willie sa Kapuso Network. Hindi lang ngayon dahil wala pang available timeslot.

Ang maganda lang, maayos na nagpaalam si Willie at wala s'yang sinunog na tulay. Malaki rin ang pasasalamat n'ya sa GMA na pitong taon din n'yang naging tahanan.

Comments