Willie Revillame, sabik na sa pagbabalik-telebisyon!

Excited na ang batikang TV host na si Willie Revillame sa pagbabalik ng kaniyang iconic variety show na "Wowowin."

Nitong Lunes, July 31, nag-dry run via Facebook at YouTube livestream ang Wowowin kung saan guest co-host ni Willie sina Ariella Arida, Michelle Gumabao, at Almira Teng.

Ipinakita rin ni Kuya Wil ang mga bago at lumang segments na mapapanood sa programa.

"Ito maganda dahil may mga bago tayong games. Nandyan ipapakita namin kung ano ang mga bagong games. Araw-araw to, Monday to Friday. Abangan n'yo."

Tila nadulas naman si Kuya Wil kung saang channel ipalalabas ang Wowowin.

"Anong channel? Abangan n'yo din yun. Ia-announce ko yan kung kailan para malaman ninyo. Dalawang channels, sabay-sabay!," bulalas ng Wowowin host.

Matatandaan na kumalat sa social media ang pakikipagkita ni Kuya Wil sa PTV-4 at IBC-13, kaya mukhang tuluy na tuloy na ang pagbabalik n'ya sa Philippine television.

Bago matapos ang livestream, inamin ni Kuya Wil na wala umanong ibang TV network ang nakipag-usap sa kaniya, maliban ang PTV-4 at IBC-13.

Pinasalamatan niya ang mga sponsor na patuloy na sumusuporta sa kaniya sa kabila nang kawalan niya ng network.

Hindi rin nakalimutan ni Kuya Wil na pasalamatan ang big bosses ng GMA Network na sina Atty. Felipe L. Gozon, Atty. Annette Gozon-Valdes, at Philip Yalong.

"Gusto ko ring magpasalamat kay Atty. Gozon, kay Atty. Annette Gozon, dahil noong nasa GMA po ako, doon po naging 16 million at 7 million ang followers po ng Wowowin sa Facebook at Youtube.

"Hindi po nila ipinagkait sa akin 'to. Hindi po nila binawi sa akin 'to. Sa totoo lang po, ipinagkaloob pa po nila sa akin.

"Atty. Gozon, maraming salamat. Tito Philip Yalong, maraming-maraming salamat. Ms. Annette Gozon at sa lahat ng naniwala sa akin sa GMA, maraming salamat.

Nabanggit din ni Kuya Wil na hindi siya tatapat sa iba pang noontime shows, dahil may utang na loob siyang tinatanaw sa mga dati niyang nakatrabaho.

Sa ngayon ay umabot na sa 1 million views ang video niya sa Facebook, patunay lang na nasasabik na rin ang mga manonood sa pagbabalik ni Kuya Wil sa telebisyon.

Comments