Sa kasagsagan ng kanilang katuwaan sa isang segment ng programa, malinaw na narinig ang kaniyang pagsigaw ng "Tanggalin mo, p*t*ng *n*."
Inakala siguro ni Wally na hindi na maririnig ang kaniyang mura dahil inilayo niya na ang mikropono sa kaniyang bibig, pero nahagip pa rin ito ng audio.
Halatang ikinagulat din ng mga nasa TV5 studio ang nangyari, pero ipinagpatuloy nila ang segment na parang walang nangyari.
Sa pagsisimula ng segment nina Wally at Jose ngayong Biyernes ng tanghali, August 11, ay tinalakay ng mga host ang nangyari kahapon.
"Meron lang po akong isang mahalagang bagay na sasabihin sa inyo," panimula ni Jose Manalo.
"Marami po akong narinig o marami akong nabasa online, at marami rin pong tumawag sa akin tungkol dito.
"Meron pa tayong ganitong bagay, bagamat hindi naman po namin ito sinasadya, pero kinakailangan po natin itong ayusin.
"Kaya naman po nandito kami ngayon para ituwid po natin yung nagawang hindi nagustuhan o narinig ng bawat isa sa atin, kaya dapat po tayong nakikinig.
"Hindi lang yan, nagpapakumbaba po. Pinakaimportante yung magpakumbaba po tayo bagamat hindi naman natin sinasadya ang mga bagay na 'to.
"At yung isa nating kasama natin na Dabarguard, nakapagsalita, na hindi rin naman niya ito sinasadya. Kaya aayusin po natin ito."
Matapos magsalita ni Jose ay tinawag na niya si Wally.
Nagpatuloy si Jose sa pagsasalita, "Kailangan po kasi nating ayusin ang mga bagay na 'to. Hindi kailangang palagpasin at hindi po natin dapat kunsintihin, ke sinasadya o hindi, kailangan po nating ayusin to."
Matapos magsalita ni Jose ay nagsimula nang magsalita si Wally.
Sabi niya, "Ako po ay may nabitawang salita na hindi ko po dapat sinasabi. Nagkamali po ako dun.
"At ako po ay humihingi ng paumanhin at pang-unawa ninyong lahat. Pasensiya na po. Pasensiya na po sa lahat."
Hindi naman idinetalye ni Wally kung bakit siya nagmura at sino ang kausap niya, kung staff ba ng programa o mga tao sa barangay na kanilang pinuntahan.
Pero malinaw na hindi edited ang video na kumalat kahapon sa social media, gaya ng mga sinasabi ng mga fan na nagtanggol sa host ng E.A.T.
Samantala, nag-isyu ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), motu proprio, ng Notice to Appear at Testify sa Production Group ng noontime variety show E.A.T hinggil sa pagmumura ni Wally na namataan umano ng MTRCB Monitoring and Inspection Unit.
Ayon sa inilabas na statement ng ahensya, nilabag umano ng naturang eksena ang Section 2 (B), Chapter IV of the Implementing Rules and Regulations of Presidential Decree No. 1986 (PD No. 1986).
Itinakda ang pagdinig sa ika-14 ng Agosto 2023, Lunes, sa MTRCB Offices sa Timog Avenue, Quezon City.
Ipinaalala rin ng MTRCB ang naghihintay na kaparusahan sa sinumang lalabag ng PD No. 1986 at sa mga Rules and Regulations ng naturang ahensya na namamahala sa pagsusuri ng mga pelikula, TV programs, at kaugnay na mga promotional material.
Suspensyon o kanselasyon ng permiso at/o lisensya na inisyu ng ahensya at/o pagpataw ng multa at iba pang administratibong parusa umano ang parusa sa mga lalabag.
Comments
Post a Comment