Dahil sa matagumpay na pagkaka-renew ng "Eat Bulaga" trademark ng TAPE ay inaabangan ngayon kung ano ang mangyayari sa pagpapatuloy ng hearing ukol sa civil lawsuit na inihain ng TVJ at ni Ferre sa Marikina Regional Trial Court.
Kampante naman ang kampo ni Sotto sa kabila ng tagumpay na ito ng TAPE.
Ayon sa abogado ng TVJ at ni Ferre na si Atty. Enrique "Buko" Dela Cruz, mababaw lang daw ang pagkapanalo ng TAPE dahil "ministerial" lang daw ito sa parte ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
"Renewal of trademark is ministerial on the part of IPO Bureau of Trademarks, as long as the applicant submits a declaration of actual use and pays the fee.
"The renewal is without prejudice to the petition for cancellation which is pending sa Bureau of Legal Affairs ng IPO. Separate office siya," pahayag ng TVJ lawyer sa isang text message.
"Kailangan lang magbayad online at mag-file ng DAU – Declaration of Actual Use, mare-renew na agad ang registration," dagdag pa niya.
Sumusunod lang sa mandato ang IPO alinsunod sa Intellectual Property Code ng Pilipinas at sumusunod lang ang TAPE sa due process na nakatakda sa batas.
Copyright at Trademark
Ang copyright at trademark ay ilan lang sa mga intellectual property na pumuprotekta sa mga orihinal na likha ng isang may-akda o ng isang negosyo.
Ayon sa website ng IPOPHL, ang trademark ay isang salita, grupo ng mga salita, sign, symbol, o isang logo na nagbibigay pagkakakilanlan o pagkakaiba ng isang source ng goods o services ng isang entity mula sa iba.
Ang copyright naman ay isang legal na proteksyon na iniaatang sa mga may-ari ng karapatan para sa isang orihinal na likha. Ang "orihinal na likha" ay tumutukoy sa bawat produksyon sa literary, scientific, at artistic domain.
Tito Sotto: "Magsawa sila sa trademark basta amin ang copyright"
Iginigiit ni Tito Sotto na copyright ang kanilang inilalaban at hindi trademark.
Sa isang post sa social media nitong Agosto, sinabi ng dating senate president na, "Magsawa [ang TAPE] sa trademark, basta amin ang copyright."
May laban nga ba ang TVJ pagdating sa copyright?
Ang isinampang copyright infringement case ng TVJ ay "civil lawsuit." Iba ito sa criminal case at administrative case.
Kapag sinabing criminal case, ang nasasakdal ay guilty beyond reasonable doubt. May witness/es at matibay na ebidensya.
Sa administrative case, ang mga matitibay na ebidensya lang ang required.
Samantalang sa civil case, lower standards of proofs such as "the preponderance of the evidence" lang.
Dahil ang TVJ ang nagsasakdal o ang plaintiff sa kaso, kailangan lang nilang i-argue ang kanilang kaso.
Samantalang ang mga respondent, ang TAPE at GMA, ay kailangang magbigay ng mga ebidensya na wala silang nilabag sa IP code at walang unfair competition na naganap.
Nirehistro ba ng TAPE ang lahat ng mga elemento at creation ng programang "Eat Bulaga" sa Bureau of Copyright ng IPO o kung hindi man ay sasapat kayang ebidensya ng "copyright ownership" ang pagbayad nila ng pasahod sa mga empleyado o talent fee sa mga independent contractor?
Sa Estados Unidos kasi, required na mag-file ng copyright registration sa bawat "single episode" ang production company upang maprotektahan ang kanilang copyright.
Conclusion
Sa puntong ito, mukhang hindi na ang titulong "Eat Bulaga" ang habol ng TVJ kundi ang mga content na nalikha noon ng produksyon.
Sa ngayon kasi ay naka-upload pa sa social media ang lahat ng mga video ng episodes sa Facebook page at YouTube channel ng "Eat Bulaga" na ayaw nilang i-turnover sa TAPE.
Ang mga content na ito ay monetized at patuloy na kumikita sa tuwing may mga manonood nito at sa dami ng videos na naka-upload online ay malaki rin ang kinikita rito.
Kung ipaglalaban kasi ito ng TAPE, kailangang palitan ng TVJ ang titulo na Eat Bulaga sa Facebook at YouTube at burahin lahat ng content.
Comments
Post a Comment