Magkano ang kinikita ng GMA Network sa pagbebenta ng palabas abroad?

Maliban sa advertising, isa sa pinagkukunan ng revenue ng GMA Network ang distribution and content provisioning o ang pagbebenta ng mga content sa mga TV networks abroad o mga over-the-top (OTT) platforms gaya ng Netflix at Viu.

Ilan sa mga pinakahuling naibentang TV shows ng GMA Worldwide, division ng GMA Network na nangangasiwa sa pagdi-distribute ng GMA drama and entertainment programs sa ibang bansa, ang "Lolong" sa ANTV Indonesia, "Impostora" at "Legally Blind" sa Dominican Republic, "Rhodora X" at "Love of My Life" sa Ghana, "Bihag" sa Kenya, "Prima Donnas" at ang "Maria Clara at Ibarra" sa Myanmar.

Sa kabuuang P8.46 billion na revenue ng GMA Network para sa unang anim na buwan ng 2023, 0.68 percent lang nito o P57.28 million ang galing sa distribution and content provisioning revenue.

Mas malaki ito kung ikukumpara sa P17.83 million na revenue ng GMA sa unang anim na buwan ng 2022.

Lumaki nang triple ang revenue ng GMA mula sa content distribution matapos ang licensing deals para sa "The Write One," "Unbreak My Heart," "Maria Clara at Ibarra," at iba pang GMA shows.

Ang pinakamalaking revenue ng GMA ay nagmumula pa rin sa ads, na umabot sa P7.75-B. Sinundan ito ng subscription revenue na P371.94 million, sale of goods na P193.91 million, at production revenue na P83.6 million.

Ang subscription revenue ay nagmumula sa mga international channels ng GMA na GMA Pinoy TV, GMA Life TV, at GMA News TV.

Ang sales of goods revenue naman ay mula sa pagbebenta ng GMA Affordabox at GMA Now.

Samantala, ang production revenue naman ay nagmumula sa mga benta ng mga subsidiary ng GMA Network na kinabibilangan ng New Media, Alta, at GMA Music.

Comments