Trademark ni Joey de Leon, registered na sa IPO!

Tahimik lang ang kampo ni Henyo Master Joey de Leon sa pagkakarehistro ng mga trademark nila sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).

Lingid sa kaalaman ng publiko, bago pa man umere ang noontime show ng TVJ Productions sa TV5 ay marami silang pinag-isipang titulo na gagamitin. Patunay rito ang mga trademark applications nila na pending sa IPO.

Noong April 6, 2023, mahigit isang buwan bago sila nag-resign sa TAPE Inc., ipinarehistro ni De Leon sa kaniyang pangalan ang trademark na Dabarkads para sa NICE classifications na 16, 18, 21, 25, at 41. Hanggang sa kasalukuyan ay pending pa ang status nito.

Samantala, "registered" na ang status ng kaniyang mga trademark na "SO GOOD MGA KAPATID" at "WALA YAN SA APO KO!" na mukhang gagamitin bilang titulo ng ilang segment ng kanilang noontime show sa TV5.

Ipinarehistro sa IPO ang "WALA YAN SA APO KO!" noong May 24, ilang araw bago ang biglaan at hindi daw planadong resignation nila sa TAPE.

Isa pang trademark ni De Leon ang rehistrado na sa IPO. Ito ay ang "EATSMORGASBORD" o "Eat Smörgåsbord" na ipinareshistro din noong May 24 at ipinagkaloob na noong September 16.

Maliban sa "Dabarkads" at "Eat Smorgasbord," ilan pa sa mga pinagpilian nila De Leon na titulo ng kanilang noontime show ay "TVJ and the Dabarkads," "It Bulaga" na hango sa kanta nila noong Dekada '70, at ILIT (Isang Libo't Isang Tuwa).

Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa ring pending ang status ng application ni De Leon para sa trademark na "Eat Bulaga." Ayon sa database ng IPO, nakarehistro pa rin ang naturang trademark sa TAPE Inc.


Comments