Timeline: TAPE Inc. versus TVJ Productions

Isang napakalaking pangyayari ang naganap ngayong 2023 na tuluyang bumago sa noontime habit ng mga Pinoy, ang pag-resign ng TVJ sa longest running noontime show na "Eat Bulaga!"

Napakaraming kuwento ang lumabas bago pa man naganap ang makasaysayang pagwo-walkout sa APT Studios noong May 31, 2022.

Madalas ay ginagawa ang "trial-by-publicity" upang makakuha ng simpatya mula sa mga tao. 'Di na baleng walang matibay na ebidensyang pinanghahawakan, ang mahalaga sa kanila ay ang "star factor" at fan-base.

Mahalagang busisiin natin ang bawat detalye upang hindi tayo malinlang sa mga naglipanang fake news online.

'Ika nga, "the devil is in the details."

Ano nga ba ang pinagmulan at ano ang puno't dulo ng mga pangyayaring ito?

Bakit tila matindi ang galit ni Tito Sotto sa Chief Financial Officer ng Television and Production Exponents, Inc. (TAPE) na si Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos at sa GMA Network?

Bakit ipinaglalaban ng TAPE na sa kanila ang title na "Eat Bulaga!?"

2019

Ayon sa magkapatid na Bullet at Jon Jalosjos, nagsabi sa kanilang ama na si Romeo Jalosjos Jr. na nais na umano ni Tony Tuviera na magretiro sa TAPE Inc.

Pinakiusapan umano ng nakatatandang Jalosjos si Mr. Tuviera na mag-stay muna dahil hindi pa handa noong panahon na iyon na mag-takeover ang kaniyang mga anak sa production ng Eat Bulaga!.

Pinagbigyan naman ito ni Mr. Tuviera at nanatili sa TAPE hanggang ngayong 2023.

Sa kasalukuyan, nanatili pa ring production consultant ng "Eat Bulaga" si Mr. Tuviera.

2022

Tumakbo sa pagka-bise presidente si Tito Sotto kalaban ang Uniteam Vice Presidentiable na si Sara Duterte.

Sinuportahan naman ng magkapatid na Bullet at Jon Jalosjos ang candidacy ni Duterte.

February 27, 2023

Nag-file sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at Tony Tuviera ng trademark application para sa brand na "Eat Bulaga!"

Nilagay nilang NICE classification (NCL) ay 16, 18, 21, 25, na kaparehong mga NCL ng registered trademarks ng TAPE Inc. Dinagdag nila ang NCL #41 (entertainment) sa kanilang application.

Ayon naman sa abogado ng TAPE Inc na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, itinanggi umano ni Tuviera na kasama siya ng TVJ sa pag-file ng naturang trademark application.

"He denies that. Being a stockholder fo TAPE Inc., he cannot file an application for trademark that is already registered under his own company, TAPE Inc. He said TAPE Inc. also has no consent in putting his name in Feb 27 application," ani Abraham-Garduque.

Inabandona na ang naturang trademark application ayon naman sa abogado nina Sotto, De Leon, at Jeny Ferre na si Atty. Ricky "Buko" Dela Cruz.

"In-abandoned na. Kasi noong nagkagulo na, nalaman nila (ng TAPE Inc.) na may nagparehistro pala ng Eat Bulaga.

"So lahat sila nagkumahog mag-file, pero si Joey kasi ang nakaisip, so s'ya ang nagparehistro. Inatras na nina Tito yung kanila," ani Dela Cruz nang matanong ng media noong unang hearing ng copyright infringement and unfair competition na inihain ng kanyang mga kliyente laban sa TAPE Inc. at GMA Network.

February 28, 2023

Nagkaroon ng general assembly sa APT Studios kung saan ipinatawag ang lahat ng mge empleyado ng TAPE Inc., kasama ang mga host ng Eat Bulaga.

Sa puntong ito, hindi pa aware ang mga executive ng TAPE Inc. na nag-file na pala ng trademark application ang grupo nina Tito Sotto.

Sa naturang general assembly, inanunsyo na ang pagbaba ni Tony Tuviera bilang CEO and President ng TAPE Inc.

Ipinakilala na rin sina Bullet at Jon bilang mga bagong executive at producer ng Eat Bulaga.

March 4, 2023

Sa entablado ng Eat Bulaga, ipinangalandakan ni Tito na si Vic Sotto umano ang nag-compose ng Eat Bulaga theme song at si Joey de Leon naman ang nag-imbento ng salitang "Eat Bulaga!"

Ginawa nila ito sa harap ng kanilang employer na TAPE Inc.

March 22, 2023

Muling naghain ng trademark application sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL). Sa pagkakataong ito, si Joey de Leon lang ang nakalagay na applicant at #41 lang ang nakasaad na NCL.

April 5, 2023

Lumabas sa Bilyonaryo website ang balitang nakipagkita si Tito sa DivinaLaw.

April 6, 2023

Naghain ng trademark application sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) sina Tito, Vic, at Joey para naman sa salitang "Dabarkads."

April 14, 2023

Inanunsyo ang pag-alis ni Maja Salvador sa Eat Bulaga.

April 19, 2023

Dahil sa dumaraming isyu tungkol sa Eat Bulaga, nagpaunlak si Bullet Jalosjos ng panayam sa Fast Talk with Boy Abunda ng GMA-7.

April 25, 2023

Umere sa flagship news program ng GMA Network na 24 Oras ang panayam ni Nelson Canlas kay Tito Sotto.

April 26, 2023

Inilathala ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ang panayam kay Tito.

Binweltahan rin ni Tito ang GMA-7 dahil hindi umano nito inere ang kaniyang panayam sa 24 Oras na agad naman niyang binura.


April 27, 2023

Nagpaunalak si Tito ng panayam kay Cristy Fermin sa Showbiz Now Na Youtube Channel. Pinaunlakan rin n'ya ng panayam ang One PH sa programang Julius and Tintin Para sa Pamilyang Pilipino.

May 31, 2023

Sa pamamagitan ng social media, inanunsyo nina Tito, Vic, at Joey ang kanilang pag-alis sa TAPE Inc.

June 2, 2023

Lumabas sa Facebook Page ng Boredcast ang balitang hindi na ni-renew ng TV5 ang blocktime agreement with It's Showtime. Lalong lumakas ang mga umuugong na balitang sa TV5 lilipat ang TVJ at iba pang dating hosts ng Eat Bulaga.

Nag-file naman ang TVJ ng petisyon sa IPOPHL para kanselahin ang existing "Eat Bulaga" trademark ng TAPE Inc.

June 5, 2023

Nagpatuloy ang pag-ere ng Eat Bulaga sa GMA-7 at ipinakilala ang mga bagong hosts nito na sina Paolo Contis, Buboy Villar, Betong Sumaya, Alexa Miro, XOXO, Mavy Legaspi, at Cassy Legaspi.

Ipinakilala ang mga bagong segment ng Eat Bulaga na "Ikaw ang Pinaka," "Watch, Copy, and Post," at "Count Me In You Win."

June 7, 2023

Nadagdag sina Dasuri Choi at Kimpoy Feliciano sa mga bagong host ng Eat Bulaga.

"Opisyal" nang lumipat sina Tito, Vic, at Joey sa TV5, matapos iwan ang TAPE Inc.

Hindi naman na bago si Vic Sotto sa TV5 dahil nakagawa na siya ng ilang programa sa Kapatid Network, kabilang na ang "Who Wants to Be a Millionaire?," "My Darling Aswang," "LOL: Laugh or Lose," "R U Kidding Me!," "The Jose and Wally Show Starring Vic Sotto," at "The Million Peso Money Drop."

Mas marami namang Kapatid shows na nagawa si Joey de Leon mula nang bilhin ni Manny Pangilinan ang TV5, kabilang na ang "Wow! Meganon?!," "House or Not," "Big Shot Jackpot," "Celebrity Samurai," "The Biggest Game Show in the World - Asia," "Game 'N Go," "Hayop sa Galing," "Wow Mali Pa Rin!," "One of the Boys," at "Wow Mali: Lakas ng Tama."

June 10, 2023

Bumulaga si Isko Moreno bilang isa sa mga bagong host ng Kapuso noontime show. Ipinakilala rin ang bagong segment na "G sa Gedli."

June 20, 2023

Kasabay ng "Media Day with Legit Dabarkads" ng TV5, inanunsyo naman ng ABS-CBN na lilipat ang It's Showtime sa Kapuso channel na GTV.

June 28, 2023

Pumirma ang ABS-CBN at GMA Network executives ng blocktime agreement para sa It's Showtime.

July 1, 2023

Magkasabay na umere ang pilot episode ng Kapatid noontime show na E.A.T. at ang first episode ng It's Showtime sa GTV.

July 12, 2023

Natanggap ng TAPE Inc. at GMA Network ang summons ng Marikina Regional Trial Court (RTC) dahil sa inihaing copyright infringement at unfair competion nina Tito, Vic, Joey, at Jeny Ferre laban sa TAPE at GMA.

July 27, 2023

Naganap ang unang hearing para sa application of writ of injunction kung saan unang humarap bilang witness si Joey.

July 31, 2023

Hindi natuloy ang ikalawang pagdinig dahil hindi dumalo ang witness na si Ferre at ipinalit ng side ng plaintiff si Tito bilang witness. Tinutulan ng TAPE at GMA ang pagpapalit-ulo ng witness dahil wala umanong "judicial affidavit" si Sotto.

August 4, 2023

Natanggap na ng TAPE Inc. ang Certificate of Renewal of Registration mula sa IPO na pirmado ni Bureau of Trademarks Director Jesus Antonio Ros.

August 11, 2023

Humarap na testigo si Tito Sotto sa pagpapatuloy ng hearing para sa application of writ of injunction para ipatigil ang pagpapalabas ng TAPE at GMA sa lumang episodes ng "Eat Bulaga."

August 31, 2023

Ang dating creative director ng TAPE na si Jeny Ferre naman ang humarap bilang huling witness sa kampo ng TVJ.

September 7, 2023

Humarap ang unang testigo mula naman sa kampo ng TAPE Inc. Nagbigay ng testimonya ang isang representative mula sa admin department ng TAPE na makapagpapatunay umano na empleyado ng TAPE si Jeny Ferre.

September 11, 2023

Iniharap na ang ikalawang witness ng TAPE.

September 15, 2023

Pre-marking of exhibits sa panig ng TAPE Inc.

September 21, 2023

Humarap na si Vincent Dy Buncio bilang ikatlong witness ng TAPE Inc.

October 23, 2023

Nagwakas ang pagdinig.

December 4, 2023

Naglabas ng desisyon ang Bureau of Legal Affairs ng IPOPHL, pirmado ni Atty. Josephine Alon, na kinakansela nito ang trademark registration ng TAPE Inc.

Ayon sa rules, maaari pang umapela ang TAPE sa BLA Director sa loob ng 15 araw. At maaari pang i-apela ang desisyon ng BLA Director sa IPOPHL Director General sa loob naman ng 30 araw.

January 5, 2024

Naglabas ang Marikina Regional Trial Court ng desisyon hinggil sa 'copyright infringement and unfair competition' na isinampa ng kampo ng TVJ laban sa TAPE Inc. at GMA Network.

Kahit para sa copyright infringement ng ilang araw na replays ng old Eat Bulaga episodes ang naganap na pagdinig, nagdesisyon ang korte para sa trademark ng television program.

Comments