Paggamit ng E.A.T. sa theme song ng Eat Bulaga, ipagbabawal na nga ba?

Tumibay ang ownership ng Television and Production Exponents, Inc. (TAPE) sa pangalang "Eat Bulaga!" nang matanggap na nito ang Certificate of Renewal of Registration.

Muling ipinaliwanag ng legal counsel ng TAPE na si Atty. Maggie Abraham-Garduque na ang trademark ang kailangan at hindi copyright para patunayan ang pag-aari ng isang brand.

"Trademark yung name and logo. Kumbaga, walang makakagamit nun, ng name ng Eat Bulaga saka EB. Kasi yun yung covered ng kanilang trademark registration," pahayag ni Atty. Maggie.

Ipinaliwanag rin ng abogado na maging ang original theme song ng Eat Bulaga! na ginagamit ng E.A.T. ay pag-aari rin daw ng TAPE, Inc. Pero minabuti na lang raw nilang huwag na lang gamitin.

"Kasi di ba, kahit na nga yung song, hindi na ginagamit ng Eat Bulaga. Di ba, ang song ay pinalitan na, yung Tahanang Pinakamasaya na siya.

"Kasi in a way, on the part of Eat Bulaga, they want to differentiate na rin e from TVJ. Parang nilalayo na nga nila," paliwanag ni Atty. Maggie.

Binanggit rin ni Atty. Maggie na taga-TAPE daw ang nagsulat ng dating theme song ng Eat Bulaga! na si Vincent Dy Buncio, pero si Vic Sotto naman daw ang naglapat ng melody.

"Yung gumawa ng song na yun, si Vincent Dy Buncio. Yung 'Mula Aparri...' sa kanya yung lyrics na yun.

"Ang kay Vic lang dun, yung melody nun. Yung lyrics kay Vincent Buncio yun na employee ng TAPE. Siya yung headwriter dati.

"So, kumbaga sa kanya yung copyright, kay Vincent Buncio yun.

"Umamin sa amin si Vincent Buncio na nung pinagawa sa kanya ng TAPE yun, bayad siya ng TAPE for that," sabi pa ni Atty. Maggie.

So, nangangahulugan ito na may kahati si Vic Sotto sa copyright ng theme song. Kay Vic ang "copyright for musical works" habang sa TAPE naman ang "copyright for literary works" dahil empleyado nila si Vincent noong isinulat ang lyrics ng kanta.

Malalaman din natin kung may karapatan din ba si Vic sa copyright for musical works ng theme song dahil kapag makapagpakita ang TAPE ng ebidensya na nabayaran ng Talent Fee si Vic ay lalabas na employed siya ng TAPE to create the melody.

Isa si Vincent sa mga tatayong witness ng TAPE sa nagaganap na copyright infringement case hearing, kaya nakakapanabik ding malaman kung hahayaan o ipaglalaban ng TAPE ang kanilang intellectual property upang hindi na magamit ng E.A.T. sa kanilang programa.

Comments