Kaya naman nakakatuwang makita na nagkakaroon na ng collaboration ang Kapamilya Network (ABS-CBN) at Kapuso Network (GMA) ngayon, sa pamamagitan ng teleseryeng Unbreak My Heart at noontime show na It's Showtime.
Noong panahon ng martial law at huling bahagi ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ang Channel 7 ng GMA ang nangungunang istasyon noon hanggang sa nagkaroon ng People Power Revolution noong 1986.
Nagsimula ang mainit na "giyera" sa pagitan ng dalawang istasyon noong ibinalik ni dating Pangulong Corazon Aquino ang ABS-CBN sa mga Lopez.
Kinuha ng kumpanya ni Eugenio Lopez Jr. ang magaling na TV programmer at executive vice president ng GMA-7 noon na si Federico Garcia o mas kilala bilang FMG.
Dito nagsimula ang bangayan ng dalawang network dahil sa unti-unting pagkuha ng ABS-CBN ng magagaling na talents at empleyado ng GMA.
Noong February 1998, kine-claim ng ABS-CBN na 40% ang nanonood sa kanila nationwide – mas mataas sa 23% ng GMA – at mas marami umano silang kita sa TV ads.
Nang pinalipad sa kalawakan ang kauna-unahang satellite ng Pilipinas na Agila II, tila lumipad rin sa langit ang dating president at CEO ng GMA na si Menardo Jimenez.
"Our stake in the $243-million project is only 2%, but it will enable us to leapfrog over the competition," pahayag noon ni Jimenez. "We will eventually be No. 1."
Kahit na bumaba sa pangalawang puwesto, patuloy na malaki ang kinikita noon ng Channel 7.
Mula 1992 hanggang 1996, lumago ang kita sa average na 33% kada taon. Bahagyang humina ang kita ng GMA noong 1997 dahil sa paghina ng pandaigdigang ekonomiya.
Bagamat nangunguna noon ang ABS-CBN sa TV ratings, ayaw naman ni Jimenez na gumaya sa "tabloid programming" ng ABS-CBN.
Ang tabloid programs ang tawag sa mga palabas na nagpapakita ng sex, crime, violence, at gore.
"We serve God and humanity through programs that promote faith and values in the communities we serve," pahayag noon ng dating pinuno ng GMA.
Sabi naman ng isa pang executive ng GMA noon na si Roberto Barreiro, "We try to strike a balance between profit and responsibility."
Magkakasunod na 9 years na nanalo noon ang GMA-7 ng Most Balanced and Responsible Network award mula sa Philippine Movie Press Club (PMPC).
Naiuwi rin ng network ang kauna-unahang Golden Pearl Best Station Award mula sa Advertising Board noong 1997.
"People appreciate our balanced news reporting and public affairs programs so that even if we are not rating as well as our closest competitor, we are getting the advertising support," dagdag pa ni Jimenez.
Sabi naman ni FMG na noon ay presidente at chief operating officer ng ABS-CBN, "We have more balanced programming – news, current affairs, sports, entertainment, drama, some comedy. It shows in our higher ratings and bigger reach."
Dagdag pa ni FMG na 85% daw ng mga programa ng ABS-CBN ay locally produced, ito raw ang "biggest ratio in the industry."
Dahil daw locally-produced ang mga palabas nila, nagagawa nilang makatapos ng isang local drama episode ng dalawang araw lang, mula sa dalawang araw at kalahati noon.
"With foreign dramas, you cannot negotiate the price down," ani FMG.
At dahil malakas din ang hatak ng Channel 7, dagdag pa ni FMG na, "we're not complacent."
Marami pang bangayan ang big bosses ng GMA at ABS-CBN noon na maganda ring pag-usapan. Mahalagang tumingin tayo sa kasaysayan upang hindi na maulit sa kasalukuyan ang mga pagkakamali ng nakaraan.

Comments
Post a Comment