Maine Mendoza, may 'reaksyon' sa pagmumura sa E.A.T., MTRCB

Marami ang nawindang sa hindi inaasahang insidente kahapon, August 10, sa top-rating noontime show na "E.A.T." sa Kapatid Network.

Sa kasagsagan kasi ng katuwaan ng mga host sa isa nitong segment, bigla na lang may narinig na malakas na boses na nagsabing, "Tanggalin mo, p*tang ina!"

Hindi tiyak kung ang host ng palabas na si Wally Bayola ang sumigaw o ibang tao na nasa lugar.

Pinutol nila ang livestream sa kanilang Facebook page at YouTube channel at nagsimula ng panibago.

Binura na nila ang naunang livestream pero mabibilis ang netizen na nakakuha kaagad ng kopya ng naturang video clip at madaling kumalat sa social media.

Marami ang tumuligsa sa noontime show at agad namang tinawag ng netizens ang atensyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

May ilan namang nagsabing hindi daw ito aaksyunan dahil "i-LALA move Sotto" daw. Ang anak kasi ni E.A.T. host Tito Sotto na si Lala Sotto-Antonio ang chairperson ng MTRCB.

Naging running joke na tuloy sa social media ang "LALA move" dahil sa mga insidente sa E.A.T. at sa Kapamilya noontime show na It's Showtime.

Pero ang pinaka nakakaloka sa lahat ay ang pag-like ni Phenomenal Star Maine Mendoza sa post ng isang netizen sa X (dating Twitter). Si Maine ay co-host ni Tito Sen sa naturang programa.

Post ni @AltStarMagic, "May malutong na nagmura sa national TV so Lala Sotto anong aksyon natin?"


Hindi naman tiyak kung si Maine nga ang nag-like ng naturang X post.

Kasalukuyang nasa Locarno Film Festival sa Switzerland ngayon si Maine para suportahan ang kaniyang asawa na si Arjo Atayde. Screening kasi doon ang pelikulang "Topakk" na pinagbibidahan ng kaniyang asawa.

Kadalasan naman kasi ay may mga social media manager (SMM) na ang mga artista, lalo na kapag milyun-milyon ang followers. Kaya naman baka aksidente lang itong napindot o sadyang maka-Kapamilya lang ang SMM ni Maine.

Si Maine ay may 4.1M followers sa Instagram, 6.7M sa X, at 7.5M sa Facebook.

Comments