Isko Moreno, naglabas ng saloobin

Makahulugan ang post ni Isko "Yorme" Moreno sa Facebook, na tila sagot niya sa mga batikos at panunuya na kaniyang natatanggap.

Matalino ang kaniyang pagkakasagot na talaga namang natumbok ang mga nanlalait sa kaniya at sa programang kaniyang kinabibilangan ngayon.

Tahimik lang ang Kapuso noontime show na Eat Bulaga! sa mga isyung ipinupukol ng mga basher laban sa programa at sa mga host nito.

Bagkus ay mas pinagbubuti na lang daw nila ang kanilang pagtatrabaho upang makapaghatid ng quality entertainment sa mga loyal Kapuso viewer.

Labis namang natutuwa ang mga production staff ng programa dahil sa mga biyayang kanilang natatanggap.

Hindi naman daw nila hangad na matalo sa ratings ang TVJ, ang mahalaga lang daw para sa kanila ay magtuluy-tuloy ang show para may trabaho sila.

Bumabaha na rin ang mga kumpanyang naglalagak ng kanilang ads sa Kapuso noontime show dahil sa hatid na tulong at saya ng Eat Bulaga sa mga TV viewer nationwide.

Tila threatened na rin ang nangungunang noontime show ngayon dahil puro parinig at patutsada ang mga host laban sa mga bagong host ng Eat Bulaga.

Sa isang social media post nitong Hulyo, sinabi ni Joey de Leon na, "Gumawa hindi gumaya! Lumikha hindi Kamukha!"

Agad naman itong nag-backfire sa kanila dahil sa panunuya nila sa isa sa lead hosts ng Eat Bulaga na si Isko Moreno.

Sa isa kasing segment ng TV5 noontime show na "kamukha" ng "All for Juan, Juan for All" ng Eat Bulaga, may karakter sila doon na tinatawag na Mayor na ginagampanan ni Dabarkads Jose Manalo.

Muli na namang nagbitiw ng patutsada si Joey. Aniya, "Napakabait nitong si Mayor. Magalang sa matanda, hindi inaalisan ng mic. Napakagalang."

Dagdag pa niya, "'Yan ang huwaran na mayor. Walang sinabi 'yung ibang mayor."

Isko Moreno, nagsalita

Tila nakarating na kay Yorme Isko Moreno ang hirit na ito ni Joey at ang panunuya ng naturang segment sa mga public servant na gaya niya.

Sa kaniyang Facebook page, nag-post si Yorme ng kaniyang saloobin sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong ng ibang tao sa kaniya.

Panimula ni Yorme, "May nagtanong sa akin, 'bakit ka ba tumigil sa showbiz noon?'

"Tumigil ako sa showbiz nang mahalal akong konsehal ng Tondo, mula noon ginawa kong fulltime job ang public service.

"I cannot have both worlds because it consumed much of my time – doing showbiz while getting paid as a public servant.

"Nahiya kasi ako sa taumbayan, kaya nagdesisyon na lang akong mag-focus na lang ako sa public service para pahalagahan ang mandato at tiwalang ibinigay sa akin ng mga taga-Tondo," paglalahad ng dating alkalde ng Maynila.

Sinabi rin ni Yorme na mahabang panahon ng kaniyang buhay ay ibinigay niya sa taumbayan.

"I've been there for 24 years and half of my life was dedicated for public service."

Inisa-isa rin ni Yorme ang mga pinagdadaanan ng mga pangkaraniwang Pilipino sa araw-araw na dapat daw ay hindi ginagawang katatawanan.

"I take public service seriously. You will see me na talagang seryoso kasi seryoso ang buhay ng tao, eh – hindi biro at hindi nakakatawa.

"Baha, pambayad ng upa ng bahay, kuryente, tubig, trabaho, kalusugan, edukasyon – these are real problems ng regular na tao."

Bagamat seryoso daw siya sa paghahatid ng serbisyong publiko sa mga tao, may iba rin naman daw side si Yorme.

"That's why itong Iskovery Night at Eat Bulaga, ito 'yung parang the other side of Isko na tumatawa rin ako, humahagalpak din ako."

Comments