Dabarkads no more? TV5 noontime show, hindi na magagamit ang salitang “Dabarkads”?

Nito lamang ika-3 ng Agosto, 2023, nag-file ang Television and Production Exponents Inc. (TAPE) ng oposisyon laban sa trademark application ng TVJ para sa wordmark na “Dabarkads” sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).

Makikita sa Global Brand Database ng World Intellectual Property Organization (WIPO) na nag-file ng application ang TVJ sa IPOPHL para maging pag-aari nila ang trademark na “Dabarkads” noong April 6, 2023, halos dalawang buwan bago sila umalis sa TAPE Inc noong May 31.

Nakakapagtaka kung bakit nag-apply ang TVJ ng trademark para sa wordmark na “Dabarkads” noong April 6, bagamat sinabi nila na napilitan lang daw silang mag-resign sa TAPE Inc, at ang dahilan ng kanilang resignation ay dahil pinigilan daw silang umere ng TAPE noong May 31.

Dagdag pa rito, nauna nang nag-file ang TVJ ng trademark application para sa wordmark na “Eat Bulaga” at “Bulaga” sa IPOPHL noong February 27 habang nagwo-work pa sila bilang host ng “Eat Bulaga” ng TAPE.

“Biglaan” daw ang kanilang pag-alis pero napaghandaan nila noong June 2 ang petisyon nila sa IPOPHL upang makansela ang “Eat Bulaga” trademark ng TAPE at nakapirma na agad ng kontrata sa TV5 noong June 6.

Ang "Dabarkads" ay nalikhang salita na nagmula sa salitang “barkada,” o grupo ng mga magkakaibigan. Ginagamit ito ng produksyon ng TAPE Inc. bilang katawagan sa mga manonood sa studio, televiewers, at sa lahat ng bumubuo ng programang “Eat Bulaga!”

Unang nabanggit ni Michael V., a.k.a. Bitoy, ang salitang “Dabarkads” noong April 13, 2004 sa “Little Miss Philippines,” isa sa mga kilalang segment ng “Eat Bulaga.”

Mula nang nabanggit ito ni Bitoy, nagsunud-sunod na ang paggamit ng iba pang hosts sa salitang "Dabarkads" sa noontime show, kabilang sina Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Toni Rose, Pia Guanio, Francis Magalona, Raymond Gutierrez, at marami pang iba.

Dahil tinangkilik ng "Eat Bulaga!" viewers, paulit-ulit na isinulat sa script ng show ang salitang "Dabarkads."

Lingid sa kaalaman ng marami, may binabasang script ang mga host ng programa na isinusulat ng writer ng TAPE at inaaprubahan ng producer bago gamitin sa show.

Ang “script” ay copyright ng producer o ng employer kaya masasabing pag-aari rin ng TAPE ang salitang “Dabarkads.”

Kamakailan lang ay nagtagumpay sa pag-renew ang TAPE sa "Eat Bulaga" at "EB" trademark for another 10 years sa IPOPHL.

Makikita rin sa brand database ng WIPO na pag-aari ng TAPE ang trademark ng "Pinoy Henyo," "Bawal Judgmental," "Aldub," “Kalyeserye,” “Just Duet,” at "Juan for All, All for Juan."

Comments