PIE TV ng ABS-CBN at Globe Telecom, magsasara na!


Napagdesisyunan ng ABS-CBN Corporation ng mga Lopez at Globe Telecom ni Jaime Augusto Zobel de Ayala na itigil na ang kanilang collaboration para sa television channel na Pinoy Interactive Entertainment (PIE) matapos malugi nang malaki at walang masyadong nanonood.

Ayon sa nakarating sa aming balita, nagkaroon umano ng general assembly ang management ng PIE na pinangunahan ni ABS-CBN Chairman Mark Lopez at mga ehekutibo ng human resources noong nakaraang buwan.

Nakatakda na umanong i-anunsyo ng kumpanya ang pagtigil ng kanilang operasyon at pagpapalabas sa PIE channel sa telebisyon at cable simula December 31.

Bilang pamamaalam sa huling buwan nito sa ere, kasalukuyang nagpapalabas ang PIE sa free-to-air TV Channel 31 ng BEAM mula 11 a.m. hanggang 11 p.m. ng mga rerun ng mga programa nila.

Kaysa raw gumastos pa sa patuloy na naluluging collaboration, napagdesisyunan na ng management na i-terminate na ang channel.

Napaulat na nalugi lang ang PIE ng tumataginting na P180 million mula nang ilunsad ito noong May 2022. Hindi lang ito nakatanggap ng mababang ratings kundi bigo rin itong makakuha ng mga kumpanyang handang mag-advertise sa kanilang channel.

Nagsimula ang collaboration na ito ng Globe at ABS-CBN isang buwan lang matapos ilunsad ng telco ang kanilang media arm na Kroma Entertainment.

Ang ABS-CBN ang bahala sa mga content na ipalalabas sa PIE, kung saan tampok ang mga host na sina Luis Manzano, Melai Cantiveros, at Robi Domingo.

Samantala, ang Kroma Entertainment naman ang namamahala sa broadcast ng channel na umaabot sa 11 million households sa pamamagitan ng BEAM (Broadcast Entertprises and Affiliated Media) at nakaaabot sa mahigit 85 million digitally-connected users, kabilang na ang GLife ng GCash.

Sa naunang pahayag, inanunsyo ng Kroma na ipagpapatuloy pa rin ng Kroma ang PIE TV sa kanilang mga online platform pero wala na rito ang mga content mula sa ABS-CBN.

Comments